Drayber isasalang sa drug test
Magpapatupad ng isang random drug testing sa lahat ng drivers na bumibiyahe ang Land Transportation Office (LTO).
Ito ang inianunsiyo kahapon ni LTO Chief Arturo Lumibao sa ginanap na launching ng “Ligtas Lakbay-Tuloy ang buhay” sa ilalim ng” Road Safety Awareness Program” ng Department of Transportation and Communication (DOTC), sa pangunguna ni DOTC Secretary Leandro Mendoza at pakikipagtulungan ng Philippine Association of National Advertisers (PANA), kahapon sa Hyatt Hotel and Casino Manila sa Malate, Maynila.
Gayunman, sinabi ni Lumibao na ang random testing na isasagawa ay boluntaryo lamang at hindi obligatory dahil wala namang batas para sa random drug testing.
Kaugnay nito sinabi naman ni Mendoza na hindi kasi ginagarantiyahan ng isinasagawang “drug testing” kapag nare-renew ng lisensiya na hindi “drug addict” ang isang driver.
Sa iba pang ulat, tiniyak din ng kalihim na bilang na ang araw ng mga abusadong driver dahil bilang parusa ay tatanggalan ng lisensiya ang mga abusadong tsuper.
Sinabi ni Mendoza, na dahil base sa World Health Organization, may 1.2 milyong katao worldwide, ang nasasawi kada taon dahil sa road accident.
Sa Pilipinas, 80.55% ng mga iniulat na aksidente sa trapiko ay sanhi ng human mistake tulad ng pagmaneho ng lasing, pagpapatakbo ng mabilis, hit and run, maling overtaking, overloading, paggamit ng cellphone habang nagmamaneho.



