Banned sa importasyon ng saging sa Australia pinalagan
UMALMA ang Bureau of Plant Industry (BPI) sa patuloy na pag-ban ng pamahalaan ng Australia sa importasyon ng prutas na saging ng Pilipinas .
By: Arlene Rivera-Posadas
UMALMA ang Bureau of Plant Industry (BPI) sa patuloy na pag-ban ng pamahalaan ng Australia sa importasyon ng prutas na saging ng Pilipinas .
Ayon kay BPI Director Joel Rudinas , ang nasabing hakbang ng Australian government ay nakakasira sa magandang relasyon sa kalakalan sa pagitan ng Pinas at Canberra .
Nabatid na nagpalabas ng Import Risk Analysis (IRA) ang Canberra ’s Biosecurity Australia sa Philippine bananas, kung saan sinasabing dapat magpatupad ng “strict risk management measures” kayat inirerekomenda ang pagbabawal sa pagpasok nito sa kanilang bansa.
Sinabi ni Rudinas simula pa noong taong 1995, hinihiling na ng Pilipinas na magkaroon ng Australian market para sa Philippine bananas .
Subalit patuloy na ibinibimbin ang paglalabas ng IRA para sa nasabing Philippine tropical fruit sa hindi malamang kadahilanan kayat napilitan ang gobyerno ng Pilipinas na maghain ng kaso laban sa Canberra sa World Trade Organization’s Dispute Settlement Body noong Oktubre 2002.
Ayon pa kay Rudinas, sa kabila ng pagbabawal ng Australia sa Philippine banana, nakapasok naman ito sa merkado ng Japan , South Korea , China , New Zealand at Middle East , na nagpapatupad din ng mahigpit na panuntuan sa pag-eexport ng agricultural products.
Binanggit din sa pinal na IRA report na inirerekomenda ng Biosecurity Australia na ang mga saging mula sa Pilipinas ay makakapasok lamang ng nasabing bansa kung makakatugon ang Pilipinas sa “strict risk management measures “ para sa seven groups of quarantine concern.
Kabilang sa quarantine measures kung ang nasabing prutas ay nagpapatunay ng low pest prevalence; stringent measures mula sa Australian Quarantine and Inspection Service inspectors , detalyadong data at dokumentasyon na ibinigay ng Pilipinas para bigyan ng kunsiderasyon ng Australia bago ang anumang exportasyon at balidasyon ng quarantine measures na isinagawa ng laboratory at field experiments at commercial trials.
Nabatid na ang Australian banana market ay tinatayang aabot sa $50 million kada taon, kung saan ang produksyon sa nasabing bansa ay aabot sa 270,000 tonelada mula sa 14,000 ektarya. Habang sa Pilipinas ang banana production at aabot sa 7.5 milyong metrikong tonelada mula sa 32,000 ektraya na nasa Mindanao .



